Parañaque City — Timbog ang tatlong miyembro ng kilalang Lucky Robbery and Kidnapping Group sa isinagawang hot pursuit operation ng Parañaque City Police Station nitong Martes, Mayo 31, 2022.
Kinilala ni Southern Police District Director, Police Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga naarestong suspek na sina Vez Nathaniel Sunga y Bertiz alyas “Lucky,” 34, isa sa mga pinuno ng “Lucky Robbery and Kidnapping Group; Gerald Daroy y Soleres, 27, dati ng nakulong sa kasong Robbery Extortion/Robbery, paglabag sa RA 9165, RA 10591; at Eduardo lgnacio y Arendela, 49, tricycle driver, at dati ring naaresto dahil sa Robbery sa Ayala Alabang Muntinlupa at kasalukuyang nakapiyansa. Silang lahat ay pawang mga residente ng Tondo, Maynila.
Ayon kay PBGen Macaraeg, dakong alas-12:55 ng hapon nahuli ang mga suspek malapit sa Molave Compound, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ng mga operatiba ng Parañaque CPS at ng Mobile Patroller ng Pasig CPS.
Ayon pa kay PBGen Macaraeg, ang grupo ng mga suspek ang responsable sa serye ng pagnanakaw sa Alfamart convenience stores sa Muntinlupa, Las Piñas at itong pinakahuli ay sa Meliton Espiritu Compound, Brgy. San Antonio, Parañaque City branch.
Aniya, gumamit ang mga suspek ng bolt cutter at sinira ang roll-up door padlock saka nilooban ang tindahan at kinuha ang isang DVR ng CCTV (unrecovered); server ng computer (unrecovered); isang CPU ng computer (recovered); at Php60,300 na kanilang hinakot sa loob ng Touch Pay/G-Cash (unrecovered).
Lumabas rin sa imbestigasyon, na ang ginamit na getaway vehicle ng tatlo ay isang Nissan Serena na kalaunan ay narekober sa operasyon.
Samantala, nakumpiska rin sa kanila ang isang computer monitor, tatlong plaka ng sasakyan na 9XFH 251, COMMONWEALTH 932-04328 at DPC 738, isang big size bolt cutter, isang pointed steel flat bar, duct tape, itim na sling bag, itim na payong, tatlong bull cap, at anim na iba’t ibang susi.
Ayon sa ulat, ang ginamit na sasakyan ay nakapangalan sa West Minister High School Inc, na naka-address sa Honorio Lopez Blvd. Balut, Tondo, Maynila.
Napag-alaman din ng mga otoridad, na sila rin ay may pananagutan sa serye ng mga insidente ng pagnanakaw sa mga convenience store ng Alfamart sa Rizal, Cavite, Batangas at Laguna gamit ang parehong modus.
Mahigpit ring ipinag-utos ni PBGen Macaraeg na hulihin pa ang iba pang miyembro ng grupong ito sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
“Talagang kapuri-puri ang ginawang ito ng ating mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Ito ay nagpapakita ng ating walang kapagurang pagtatrabaho para paglingkuran at pangalagaan ang buhay at ari-arian ng ating mga kababayan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Source:https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=323715349937810&id=100068980414302
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos