Calapan City, Oriental Mindoro – Pinarangalan ang mga kapulisan ng Police Regional Office MIMAROPA na naging miyembro ng United Nations Veterans sa pagdiriwang ng Philippine National Police sa International Day of UN Peacekeepers noong Mayo 30, 2022.
Si Police Brigadier General Sidney Sultan Hernia, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA, na nagsilbi bilang UN peacekeepers ay ginawaran ng certificate of recognition kasama ang walong Police Colonel, siyam na Police Lieutenant Colonel, isang Police Captain, isang Police Lieutenant, at limang Police Non-Commissioned Officers.
Ayon pa kay PBGen Hernia, ang PNP ay nagpapadala ng kanilang mga peacekeeping contingent sa UN peacekeeping operations and missions mula pa noong 1992 para magbigay ng mga serbisyo at tulong.
Dagdag pa ni PBGen Hernia, ang International Day of United Nations Peacekeepers, na ipinagdiriwang tuwing ika-29 ng Mayo, ay kinikilala ang mga UN peacekeepers na nasawi sa UN Mission at nagbibigay pugay sa lahat ng kalalakihan at kababaihan na naging bahagi ng UN Peacekeeping operations para sa kanilang mataas na antas ng propesyonalismo, dedikasyon, at lakas ng loob.
Nawa’y ipaalala sa atin ng okasyong ito ang katapangan ng mga kalalakihan at kababaihan ng PNP na nagsakripisyo sa ibang bansa. Sana ay maging magandang halimbawa ang kanilang kabayanihan sa ating mga tauhan na mangarap na maging bahagi ng Filipino UN Peacekeepers.
Source: RPIO MIMAROPA
###
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus