Taytay, Rizal – Matagumpay na ginunita ng Rizal Police Provincial Office ang ika-124th Anibersaryo ng Pambansang Araw ng Watawat sa Rizal PPO Covered Court, Taytay, Rizal nitong Sabado, Mayo 28, 2022.
Pinangunahan ni Police Colonel Dominic Baccay, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, katuwang ang buong pwersa ng Rizal PNP sa paggunita at pagdiriwang ng naturang aktibidad.
Ayon kay PCol Baccay, ang taunang pagdiriwang ng aktibidad ay bilang tugon sa inilabas na Presidential Proclamation No. 374 noong Marso 6, 1965 na nagdedeklara sa Mayo 28 bilang Pambansang Araw ng Watawat at paggunita rin ng unang paglatag ng Pambansang Sagisag matapos talunin ng Philippine Revolutionary Army ang mga Espanyol sa labanan sa Alapan, Imus, Cavite noong 1898.
Dagdag pa ni PCol Baccay, ang naturang aktibidad ay ginugunita mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 ay pinalawig ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 179.
Ang Watawat ng ating bansa ay simbolo ng pagiging makabayan at pagpapakita ng pagmamahal sa ating bansa. Ito rin ay isang instrumento na nagbubuklod sa lahat ng Pilipino upang makamtan ang mithiing magkaisa bilang mamamayan para sa mas ikauunlad ng ating bayan.
“Ating buhayin ang ispirito ng bayanihan kung saan tayo’y dati nang nakilala bilang Pilipinong may pagkakaisa, pulis at komunidad na nagtutulungan at napapanahon na rin ito para sa pagtawag sa pagkakaisa at pagtutulungang suportahan natin ang papasok na bagong administrasyon at patuloy na gawin ang ating tungkulin upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating komunidad”, ani PCol Baccay.
###
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Joe Peter Cabugon