Davao City – Timbog ang isang High Value Individual sa isinagawang buy-bust operation ng PNP at PDEA, noong Mayo 28, 2022.
Kinilala ni PMaj Robel Saavedra, Acting Station Commander ng Mandug Police Station, ang suspek na si Roy Comilang Lapiz alyas “Roy”, 21, residente ng Purok 13, Seaside Bago Aplaya Talomo, Davao City na tinaguriang Top 6 High Value Individual sa Regional Level.
Ayon kay PMaj Saavedra, naaresto ang suspek sa Purok Sta. Cruz Brgy. Indangan, Davao City ng pinagsamang tauhan ng Mandug PS at Regional Mobile Force Battalion (RMFB11) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA11).
Dagdag pa ni PMaj Saavedra, nakuha mula sa suspek ang isang malaking pakete ng hinihinalang marijuana na may bigat na humigit kumulang 25 gramo at tinatayang may street market value na Php75,000, kasama sa mga nakuha ay ang isang .38 caliber revolver na may apat na bala at marked money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang pagkakadakip sa suspek ay masasabing malaki ang magiging epekto sa pagbawas ng ilegal na droga sa Rehiyon Onse upang makamit ang layunin na maging drug free ang lungsod sa pamumuno ni PBGen Benjamin Silo Jr., PRO11 Regional Director.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara