Ang pangangalaga sa buhay at ari-arian ang pangunahing tungkulin ng mga Alagad ng Batas. Ang pagtatanggol at pagbibigay nang proteksyon sa mamamayan ang dapat mangibabaw sa mga gampanin na dapat isakatuparan ng bawat kasapi ng Pambansang Pulisya sa anumang oras at saan mang pook. Malinaw ang mga batayang adhikaing ito sa bawat kasapi ng Philippine National Police (PNP).
509th Provincial Mobile Group
Alas 9:00 nang umaga, November 9, 2009, nakatanggap ng inpormasyon ang tropa ni PLT JERSON DE LEON tungkol sa panggugulo at pananakot ng mga armadong grupo sa bahay ng isang Garry Goyala sa Barangay JP Laurel, Bulan, Sorsogon. Dahil sa hangaring mabigyan nang proteksyon ang tahimik na mamamayan laban sa mga manliligalig, agad na rumesponde sa nasabing lugar ang team ni PLT DE LEON subalit agad na nakatakas ang armadong grupo na kanilang target.
Dahil dito ay nagpasya nang bumalik sa kanilang himpilan ang tropa ng PNP at binagtas ang ibang daan patungo sa kanilang kampo. Hindi nila alam na pumasok sila sa nakaumang na patibong ng mga kasapi ng New People’s Army. Alas 11:00 ng umaga, binabaybay ng tropa ang kalsada sa Barangay Antipolo nang biglang yumanig ang lupa. Sumabog sa gitna ng kalsada ang isang landmine na itinanim ng mga NPA. Dahil sa lakas nang impact ay tumilapon nang may 20 metro ang behikulong kinalululanan ng mga Pulis.
Nakakabingi ang atungal ng matataas na kalibre ng baril, pinaulanan ng bala ng mga NPA ang mga pulis. Sa unang bugso ng pagsabog ay agad na namatay sina PLT DE LEON, PMSgt Johnson Gerola, PCpl Darwin Detoit at Pat Ryan Padrique. Nasugatan naman sina Pat Frans Guamos, Pat Al ain Lanuza at Pat Alwin Baldano. Sa kabila nang sinapit na kamatayan ng apat na kasamahan, hindi nawalan ng loob ang tatlong sugatang Alagad ng Batas at buong bangis na gumanti ng putok sa mga NPA. Buong giting na lumaban ang tatlo, HANGGANG SA HULING PATAK NG DUGO!!! Ito ang malinaw na prinsipyong nakatanim sa nag-aalab na hangarin ng tatlo na lumaban para sa mamamayan at DEMOKRASYA. Dahil sa ipinamalas na katapangan ng mga pulis ay napilitang umurong sa labanan ang nakakaraming bilang ng mga tumambang lalo na nang dumating ang reinforcement troops ng pamahalaan.
Nang humupa ang labanan, agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang tatlong sugatang pulis upang malapatan nang kaukulang lunas. Panlulumo naman ang lumukob na emosyon sa mga rumespondeng tropa ng gobyerno nang makita ang madugong wakas na sinapit ni PLT DE LEON at tatlong tauhan. Muling dinilig ng dugo ng mga Alagad ng Batas ang lupain ng Sorsogon upang maipagtanggol ang mamamayan laban sa mga manliligalig at kaaway ng Demokrasyang Pilipino.
Sa bawat buhay na ibinubuwis ng isang pulis, sa bawat dugong ibinubuhos ng isang kasamahan natin sa serbisyo ay lalong tumitingkad ang kulay pulang bahagi ng ating watawat. Kulay dugong sumasagisag sa busilak na hangarin ng bawat isa sa atin na paglingkuran nang tapat at buong puso ang mamamayang Pilipino maging ang katumbas man nito ay ang ating buhay!
Saludo sa inyong kagitingan at sakripisyo!