Quezon City — Tinatayang nasa Php185,280 halaga ng marijuana ang nasabat sa tatlong suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon City Police Station nito lamang Huwebes, ika-26 ng Mayo taong kasalukuyan.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Remus B Medina ang mga suspek na sina Reymond Desano alyas “Ryan”, 27, residente ng Brgy. Culiat, Quezon City; Christian Paul Letigo, 26, residente ng Brgy. Pinyahan, Quezon City; at Frederick Parlan, 20, residente ng Brgy. Kamuning, Quezon City.
Ayon kay PBGen Medina, dakong 2:10 ng tanghali naaresto ang mga suspek sa kahabaan ng Judge Jimenez St., Bgry. Kristong Hari, Quezon City ng mga operatiba ng Galas Police Station 11.
Ayon pa kay PBGen Medina, nakatanggap ang PS 11 ng impormasyon mula sa isang Confidential Informant tungkol sa ilegal na bentahan ng mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 1,544 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng Php185,280, dalawang cellphone, at isang Yamaha Mio 125 na motorsiklo, at perang ginamit sa transaksyon.
Sinampahan ng paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlo.
“Bilang mga alagad ng batas at tagapagtanggol ng mamamayan, ang inyong mga lingkod sa QCPD ay hindi mag-aatubiling magsagawa ng marami pang operasyon upang arestuhin ang lahat ng mga gumagambala sa kapayapaan at seguridad ng Lungsod ng Quezon,” ani PBGEN Medina.
“Kami ay nagagalak sa tagumpay ng QCPD sa isinagawang operasyon. Ito ay nangangahulugan lamang ng katuparan sa ating pangakong makapagbigay ng serbisyong tama,” pahayag naman ni NCRPO Regional Director, Police Major General Felipe Natividad.
Source: PIO QCPD
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos