Patay ang isang lalaki habang tatlo ang naaresto matapos mauwi sa engkwentro ang isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Cebu Police Provincial Office sa San Remigio, Cebu nito lamang Sabado, Mayo 21, 2022.
Ayon kay Police Brigadier General Roque Eduardo DP Vega, Regional Director ng Police Regional Office 7, ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek na nauwi sa engkuwentro na ikinasawi ng isang lalaki na kinilala bilang si Alden Lindayao alyas “Kimay” na nagtamo ng gunshot wound, habang naaresto naman ang tatlong mga kasamahan nito na sina Willy Espina Fuentenegra, 29; Felix Lepiten Abao III, 29; at Anadomene Espina Mabaga, 47.
Ayon pa kay PBGen Vega, naaresto ang mga suspek bandang 5:07 ng hapon sa Purok Nangka, Brgy. Poblacion, San Remigio, Cebu sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng San Remigio Municipal Police Station ng Cebu Police Provincial Office.
Dinala si Lindayao sa Bogo City Hospital para sa paunang lunas ngunit dineklarang patay ng attending physician.
Nakuha sa mga suspek ang 0.4 gramo ng hinihinalang shabu na may halaga na Php2,720, isang Cal.45 at buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek ay dinala sa San Remigio MPS, CPPO para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
Patuloy na papaigtingin ng San Remigio MPS, CPPO ang kampanya laban sa ilegal na droga para maiwasan ang paglaganap sa lugar at upang magkaroon ng maayos at tahimik na pamayanan.
###