Nakumpiska ang tinatayang Php81,600,000 halaga ng shabu sa tatlong indibidwal sa buy-bust operation ng PNP-PDEA nito lamang Linggo, Mayo 22, 2022.
Kinilala ni Northern Police District Director PBGen Ulysses Cruz, ang mga suspek na sina Algie Mengote Labenia, 43, residente ng 9th Street, Brgy. Amsic, Angeles City, Pampanga; Nolan Sarsalito Julia, 43, residente ng Apolonio Compound, Muntinlupa City; at Joseph Villamor Malasaga, 50, residente ng Brgy. Maligaya, Caloocan City.
Ayon kay PBGen Cruz, bandang 11:30 ng umaga naaresto ang mga suspek sa Maysan Road Corner Cecilio J Santos St., Valenzuela City ng pinagsanib pwersa ng PNP DEG at Special Operations Unit–NCR kasama ang Regional Intelligence Division-NCRPO, Regional Drug Enforcement Unit-NCRPO, Philippine Drug Enforcement Agency NCR at Valenzuela City Police Station.
Dagdag pa ni PBGen Cruz, nakuha mula sa mga suspek ang humigit kumulang 12 kilo ng hinihinalang shabu na may Dangerous Drug Board value na Php81,600,000 kasama ang perang ginamit bilang buy-bust money, isang yunit ng kulay berde na Honda Civic, dalawang yunit ng cellphone, mga identification cards at iba pang dokumento.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay pansamantalang nasa kustodiya na ng SOU NCR, PNP DEG para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon at sasailalim sa pagsusuri ng Crime Laboratory.
Pinuri naman ni PLtGen Vicente D Danao Jr., OIC PNP ang matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga ng PNP at binigyang diin ang patuloy na pagpapaigting ng mga programa ng PNP para sa kapayapaan at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Source: NPD PIO
###