Rizal, Cagayan – Matagumpay ang isinagawang Duterte Legacy Caravan ng mga Cagayano Cops sa Brgy. Liuan, Rizal, Cagayan katuwang ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan nito lamang Biyernes, Mayo 20, 2022.
Ayon kay PCol Renell Sabaldica, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (PPO), labis ang pasasalamat ng mga benepisyaryo na kinabibilangan ng 147 pamilya na nakatanggap ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD); 140 bags ng 5 kilo na bigas mula sa Philippine Genome Center (PGC); 140 packs ng assorted vegetable seedlings mula sa Department of Agriculture (DA); 15 Portasol Dryer mula sa Department of Science and Technology (DOST); 150 packs ng facemask mula sa Office of Civil Defense; at 140 na tsinelas para sa mga bata na mula naman sa Cagayan PPO.
Dagdag pa ni PCol Sabaldica, 20 indibidwal ang nakapag-avail ng libreng gupit hatid ng 17th IB PA, mahigit 300 indibidwal ang nabusog sa feeding program ng My Brother’s Keeper Life Coach, gayundin ang free medical consultation mula sa Department of Health (DOH) na namahagi rin ng mga gamot at bitamina mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang iba’t ibang ahensya ng sangay ng pamahalaan na nakiisa ay nagpahayag na sila ay handang makipagtulungan sa PNP at iba pang ahensya upang masugpo ang terorismo o mapuksa ang insurhensya sa lalawigan ng Cagayan.
Ang pamahalaan sa pangunguna ng PNP ay magpapatuloy sa pagpapaabot ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan lalo na sa mga liblib o malalayong lugar.
Hinihikayat din ng Cagayan PPO ang mga mamamayan na suportahan ang mga programa ng pamahalaan at PNP kabilang na ang kampanya laban sa ilegal na droga at insurhensya.
Source: Cagayan PPO
###
Panulat ni Police Corporal Carla Mae P Canapi