Muling pinaalalahanan ni PNP Officer-in-Charge, PLtGen Vicente Danao Jr., ang publiko na maging maingat at mapagmatyag sa pagharap sa mga impormasyon mula sa mga unverified sources.
Anya, nais naming ulitin ang aming paalala sa publiko na maging maingat at huwag magpabiktima sa mga disinformation na kumakalat sa social media lalo na ngayong panahon ng katatapos lamang na halalan.
Ang PNP ay nagsagawa ng “fact-checking” sa video footage na kumakalat sa internet kung saan ipinakita ang mga pulis na pinupunit ang ilang mga election forms.
Ayon sa ulat na ating tinanggap mula sa Police Regional Office (PRO) -Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang mga video footage ay kuha sa Datu Ayunan Elementary School, MB Kalanganan, Cotabato City na kung saan ay nagsilbi ang mga tauhan ng PNP bilang mga miyembro ng Special Board of Election Inspectors (SBEI). Ang kanilang pagkakatalaga bilang SBEI ay para sa mga Clustered Precincts Number 69 (Precinct Numbers 0215A, 0215B, 0215C, and 0216A) ay pinahintulutan ni Atty. Nasroding M. Mustapha, Cotabato City Election Officer.
Ayon kay Cotabato City Director, PCol Rommel Javier, matapos ang pagboto at cut-off time bandang alas-7:00 ng gabi noong Mayo 9, 2022 sa kani-kanilang presinto, ang mga miyembro ng PNP SBEI ay inatasan na punitin ang hindi nagamit at mga blangkong Ballot Sheets, alinsunod sa COMELEC Omnibus Election Code – Article 17, Section 204 entitled Disposition of unused ballots at the close of the voting hours. Ang nasabing pagpunit ng mga unused ballots ay sinaksihan mismo ni Ginoong Arfaj-Erven P. Ahmad, Designated Election Supervisor Officer (DESO), gayun din ang mga Official Watchers na mula sa mga iba’t-ibang partido ng One Cotabato at UBJP.
Kaugnay nito ay umaasa naman ang Pambansang Pulisya na ang nasabing paglilinaw at beripikadong impormasyon na ito ay maghatid ng kalinawan sa publiko alinsunod sa mga alituntunin at pamamaraan ng halalan. (Kasama si PCpl Nechaell Hadjula, PNP PIO).