Gregorio del Pilar, Ilocos Sur – Mabilis na nirespondehan ng Gregorio Del Pilar Municipal Police Station ang isang delivery truck matapos itong ma-stranded dahil sa tubig baha sa Brgy. Poblacion Norte, Gregorio Del Pilar, Ilocos Sur nito lamang Huwebes, Mayo 19, 2022.
Ligtas na naiahon ang nasabing trak na minamaneho ng drayber na si Revendo Orden Jr, 37, residente ng Santiago, Ilocos Sur sa tulong ng mga tauhan ng Gregorio Del Pilar MPS sa pamumuno ni PLt Tito B Lawana Jr, Officer-in-Charge.
Ito ay matapos humingi ng tulong ang isang concerned citizen upang hilahin ang sumadsad na delivery truck sa gitna ng Pedlac river dahil sa biglang buhos ng malakas na ulan na naging sanhi ng baha sa lugar.
Ayon kay PLt Lawana, kaagad na umaksyon ang mga tauhan ng Gregorio del Pilar MPS na pinangunahan ni PSSg Jumar Camide at mga residente sa nasabing lugar para hilain at hanguin sa baha ang truck.
Nagbahagi naman si PLt Lawana ng mga safety tips at mga dapat gawin bago bumiyahe lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Ang Pambansang Pulisya ay patuloy na magbibigay serbisyo sa ating mga kababayan at sa anumang oras at panahon o sakuna ay inyong maaasahan.
Source: Gregorio del Pilar Municipal Police Station
###
Panulat ni PSSg Carmela G Danguecan