Pontevedra, Negros Occidental – Kalaboso ang isang 18 anyos na lalake matapos aksidenteng mahulihan ng ipinagbabawal na droga ng mga tauhan ng Pontevedra PNP nitong Lunes, Mayo 16, 2022.
Ayon kay Police Captain Hanzel Lumandaz, Hepe ng Pontevedra Municipal Police Station, pumunta ang suspek kasama ang isang tricycle driver sa istasyon upang magpablotter matapos magkabanggaan ang kanilang mga motorsiklo. Ngunit nang kukunin na sana ng suspek ang iba pang mga dokumento sa kanyang belt bag, aksidenteng nahulog dito ang isang sachet ng hinihinalang shabu.
Kinilala ni Police Captain Lumandaz ang suspek na si Carl Angelo Mongcal, 18 anyos at residente ng Sitio Canonoy, Barangay Miranda, Hinigaran, Negros Occidental.
Dagdag pa ni Police Captain Lumandaz, akmang tatakas pa sana ang suspek ngunit agad itong napigilan ng kapulisan at nakumpiska ang apat pang mga sachet ng ipinagbabawal na droga at isang caliber 38 na may dalawang live ammunition.
Tinatayang umabot sa 5 gramo ang bigat ng nakumpiskang shabu kay Mongcal na may Standard Drug Price na Php33,800.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa COMELEC Gun ban at sa Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
###