Camp Crame, Quezon City — Nagpamalas ng iba’t ibang talento ang dalawampung miyembro ng PNP na nakatalaga sa National Support Units sa Solo Elimination Round ng Pulis Got Talent National Edition sa PNP Multi-Purpose Center, Camp Crame, Quezon City, ala-una ng hapon ng Huwebes, May 19, 2022.
Labing apat sa kanila ay kumanta samantala ang iba ay nagpakita ng galing sa magic tricks, martial arts, impersonation, fire dance at rap song.
Pormal na rin itong inumpisahan ng lahat ng rehiyon para sa gaganaping Grand Final showdown ng mga nanalo ngayong darating na Hunyo 4 sa FilOil Arena, San Juan City.
Lubos na namangha ang mga hurado at madla sa ipinakitang husay ng lahat ng nakilahok sa iba’t ibang kategorya.
Samantala, iaanunsyo ang resulta sa Biyernes, Mayo 20 kasabay ng pagprepresenta ng mga kasali sa Group Category ng naturang patimpalak.
“Piso mula sa Puso, Handog Kasiyahan sa Pamayanan,” ang tema ng paligsahan kung saan ang nalikom na pera ay mapupunta sa mga benepisyaryo na mapipili ng PNP kasama ang accredited NGO.
###
PCpl Jhoanna Marie Najera-Delos Santos