Taguig City – Tinatayang Php177,480 halaga ng shabu na may kabuuang bigat na 26.1 gramo ang nakumpiska sa magkahiwalay na buy-bust operations ng mga operatiba ng Taguig at Parañaque City nito lamang Huwebes, Mayo 19, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, District Director ng SPD, ang mga suspek na sina Manuelito Cruz De Leon alyas “Mano”, 44; Alvin Jaime Bermudez, 39; at Ma. Luisa Fernandez Mayuga, babae, 42.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang 1:00 ng madaling araw naaresto ang tatlong suspek sa #8067 Pelaez St., Brgy. San Dionisio, Parañaque City ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ng Parañaque City Police Station, Sub-Station 4.
Nasamsam sa kanila ang walong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 14.1 gramo at may Standard Drug Price na Php95,880; isang puting rectangular plastic canister at isang Php500 na ginamit bilang buy-bust money.
Ayon pa kay PBGen Macaraeg, sa Taguig City naman, sa kaparehong oras at araw din ay nadampot si Sorex Katib y Mamalaguia alyas “Katib”, 35, sa kahabaan ng Road 18 Roldan St., Brgy. New Lower Bicutan, ng mga tauhan ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit.
Nakumpiska mula kay Katib ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang 12 gramo at nagkakahalaga ng Php81,600; Php200 buy-bust money; at isang maliit na black jewelry box.
Ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Sa pagpapatuloy ng ating mga kampanya laban sa ilegal na droga, makikita natin na mayroong mga indibidwal na hindi humihinto sa kanilang gawain. Asahan ninyo na ang pulisya ng SPD ay hindi magsasawang hulihin ang mga indibidwal na ito,” ani PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin Magay Gargantos