Sultan Kudarat – Patay ang isang carnapper/motornapper matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng PNP sa Sitio Torre, Purok Rang-ay, Brgy. Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat nito lamang Lunes, Mayo 16, 2022.
Ayon kay PMaj Jenahmeel Tanacao, bandang 8:10 ng gabi pumunta sa tanggapan ng Lambayong MPS si Alfonso Domingo, 43, isang magsasaka, residente ng Brgy. Didtaras, Lambayong Sultan, upang humingi ng tulong dahil siya umano ay naging biktima ng carnapping/motornapping.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang Lambayong MPS katuwang ang mga tauhan ng Sultan Kudarat Highway Patrol Group, Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Division 12 Tracker Team Delta upang tugisin ang nasabing suspek.
Ayon pa kay PMaj Tanacao bandang 8:16 ng gabi habang binabaybay ng rumespondeng grupo ang Sitio Torre, Purok Rang-ay, Brgy. Poblacion kasama ang biktima ay nakita at nakumpirma ng biktima ang kanyang motorsiklo na sinasakyan ng suspek.
Dagdag pa ni PMaj Tanacao, nang makita ng suspek ang rumespondeng grupo ay bigla nalang nitong pinaputukan ang grupo na nagresulta sa palitan ng putok mula sa suspek at kapulisan.
Agad naman dinala ang sugatang suspek sa Evangelista Medical Clinic and Hospital ngunit ito ay idineklarang dead on arrival ng attending physician ng nasabing ospital.
Positibo namang kinilala ng ina ng suspek ang bangkay na si Norhamin Tato Kamsa, residente ng Brgy. Malala, Datu Paglas, Maguindanao.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang itim na XRM 125 na may plate number PN 343MPF at isang caliber .45 pistol na may serial number 132951 kasama ang tatlong FCC ng caliber 9mm, isang FCC ng caliber .45 at mga live ammunitions. Narekober din mula sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php2,000.
“Ang mabilis na pagkilos ng ating mga pulis sa insidente ng motornapping na ito ay isang patunay na dedikado ang Police Regional Office 12 sa kanilang sinumpaang tungkulin. Gayundin, nais kong paalalahanan ang ating mga kababayan na maging mas maingat at maging mapagbantay palagi upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap,” ani PBGen Alexander Tagum.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal