Olongapo City – Arestado ang dalawang suspek at nakumpiska ang tinatayang Php340,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation ng Olongapo City Police Office nito lamang Miyerkules, Mayo 18, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Carlito Grijaldo, Acting City Director ng Olongapo City Police Office ang mga suspek na sina Aminoden Casim y Mama alyas “Mino”, 32, residente ng Purok 3, Burgos St., San Antonio, Zambales; at si Habier Arah y Isirael alyas “Abel”, 38, residente ng Purok 6B, Calapacuan, Subic, Zambales.
Ayon kay PCol Grijaldo, naaresto ang mga suspek sa Blue Bus Terminal, Brgy. West Bajac-Bajac, Olongapo City ng pinagsanib pwersa ng Olongapo City Police Drug Enforcement Unit 3 (OCPDEU3), Police Station 1, Station Police Drug Enforcement Unit 3 (SPDEU3) at Olongapo City Mobile Force Company (OCMFC).
Ayon pa kay PCol Grijaldo, narekober mula sa mga suspek ang humigit kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php340,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article III ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy pa rin ang ginagawang operasyon ng PNP upang tuluyang mahuli ang mga nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga na siyang sumisira sa kinabukasan ng mamamayan.
Source: Olongapo City Police Office
###
Panulat ni PCpl Jeselle V Rivera