Mag-iisang taon na nang ilunsad ng Philippine National Police ang portal na “E-Sumbong” na may tagline na “Sumbong mo, Aksyon ko!” para sa mas pinabilis at less hassle na pagsusumbong at pagrereklamo ng publiko.
Simula May 17, 2021 hanggang May 16 ngayong taon, nakapagtala ang pulisya ng 36,733 bilang ng nagrereklamo gamit lamang ang gadyets at internet kabilang na rito ang mga humihingi ng “police assistance”.
Lahat ng ito’y inaksyunan ng PNP at inuulat sa portal na nagsisilbing monitoring ng mga dumulog sa mga ginawang aksyon ng concerned office.
Ang E-Sumbong portal ng PNP ay maaring ma-access sa https://e-sumbong.pnp.gov.ph, kung saan napakadali itong gamitin dahil dalawang icon lang ang nakapaloob rito ang, “Report Here” at “Complaint Tracking”.
Maaari ring e-message ang official page ng PNP Hotline sa facebook.com/OfficialPNPHotline o e-text ang sumbong sa 09191601752 sa smart at 09178475757 naman sa globe at ito’y pwede ring ma-monitor gamit ang portal gamit ang isang reference number na pinadala sa nagcocomplaint.
Malaking tulong rin ito noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Sa ngayon, malaki ang papel ng portal na ito para matugunan ang anumang agam-agam ng mga gustong magsumbong na araw-araw pumapasok sa trabaho o nanghihinayang na magpakilala sa pulisya bilang source ng reklamo.
Makakaasa ang mamamayan na 24/7 na alerto ang pulisya upang ang lahat ng kanilang sumbong at reklamo ay agad na mabigyan ng aksyon at solusyon.
###
Panulat ni PCpl Jhoanna Marie Najera Delos Santos