Tupi, South Cotabato – Tinatayang Php120,000 halaga ng marijuana ang nasamsam sa dalawang suspek sa buy-bust operation ng PNP sa Brgy. Poblacion, Tupi, South Cotabato, nitong Sabado, Mayo 14, 2022.
Kinilala ni PMaj Samuel Bascon Jr., Chief of Police ng Tupi Municipal Police Station ang mga suspek na sina Rufo Tiongco y Bandico alyas “Renz”, 23, residente ng Sitio Benigno Aquino, Brgy. Miasong, Tupi, South Cotabato at Eljan Fernandez y Perez, 20, residente naman ng Prk. 14, Brgy. Fatima, General Santos City.
Ayon kay PMaj Bascon, naaresto ang mga suspek ng pinagsamang tauhan ng Tupi MPS, Regional Police Drug Enforcement Unit 12, at Tracker Team Charlie Regional Intelligence Division 12.
Dagdag pa ni PMaj Bascon, narekober sa mga suspek ang may kabuuang timbang na mahigit isang kilo ng marijuana na may tinatayang halaga na Php120,000 na nakabalot sa diyaryo at Php500 peso bill na ginamit bilang buy-bust money.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tinitiyak naman ng Tupi MPS na mas papaigtingin pa ang mga kampanya laban sa ilegal na droga gayundin sa iba’t ibang uri ng kriminalidad para sa tahimik at ligtas na pamayanan.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal