San Isidro, Abra – Isang lalaki na nabagsakan ng malaking sanga ng kahoy ang tinulungan ng grupo ni Police Brigadier General Ronald Oliver Lee, Regional Director, PROCOR sa San Isidro, Abra nito lamang Mayo 11, taong kasalukuyan.
Ayon kay PBGen Lee, pauwi na ang kanilang convoy galing sa isinagawang inspection sa Pilar, Abra ng madaanan nila ang naaksidenteng lalaki at hindi nag-atubiling hinintuan ito ng kanilang grupo at kaagad nilapatan ng paunang lunas.
Sa naging salaysay ng biktima, saktong pagbaba niya sa kanyang sasakyan nang mahulugan siya ng isang malaking sanga ng kahoy na tumama sa kanyang ulo na naging sanhi ng pagkasugat at pagdurugo nito.
Dagdag pa ni PBGen Lee, personal niyang sinubaybayan ang agarang paglapat ng pangunang lunas ni Patroman Marcelo sa lalaking biktima.
Nagkataon naman na dumaan ang rescue car ng San Isidro kaya agad din na nadala ang biktima sa Municipal Health Unit.
Ani Police Brigadier General Lee, ang pagtulong sa kapwa ay walang pinipiling oras at pagkakataon at bilang isang public servant dapat ay handang tumulong nino man anomang oras.
Source: https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=331718042412523&id=100067229887274
###
Panulat ni PSSg Ermilinda Cacliong