Tawi-Tawi – Nasagip ng Tawi-Tawi PNP Maritime ang anim na indibidwal na sakay ng isang tumaob na de motor na bangka sa Takut, Sapa-Sapa, Tawi-Tawi nito lamang Mayo 9, 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Alvin Gumacal, Commander, 1st Special Operations Unit-MG, habang nagsasagawa ng seaborne patrol operation ang Maritime PNP ay nakita nila ang isang tumaob na bangka na may pangalang “Nurjie” na minamaneho ni Nerson Abundol sa kahabaan ng Sea Waters ng Sapa-Sapa, Tawi-Tawi.
Dagdag pa ni PLtCol Gumacal, ito ay kaagad nilang nirespondehan at sinagip ang mga sakay ng nasabing bangka na sina Putchong Mansari, 27; Madisan Mansari, 42; Parson Sahibil, 35; Benjamin Mansari, 29; Julmin Adi, 25; at Nerson Abundol, ang Boat Captain na pawang mga residente ng Karaha, Panglima, Sugala.
Lumalabas sa inisyal na ulat na habang patungo ang de motor na bangka sa Takut, Sapa-Sapa, Tawi-Tawi ay nakasalubong nila ang malalaking alon na naging dahilan upang tumaob ang kanilang sinasakyan.
Ligtas naman na nakarating ang mga biktima sa Takut, Sapa-Sapa, Tawi-Tawi sa tulong ng mga tauhan ng PNP Maritime.
Samantala, pinapaalalahanan naman ng PNP ang mga residente na tiyakin muna ang kalagayan ng panahon bago pumalaot sa karagatan para sa mas ligtas na paglalayag.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz