La Castellana, Negros Occidental – Patay ang isang ginang matapos pinagtutulungang pagsasaksakin ng kanyang sariling anak na babae at kasintahan nito sa loob mismo ng kanilang bahay sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental, madaling araw ng Martes, Mayo 10, 2022.
Kinilala ni Police Captain Rhojin Darell Nigos, Acting Chief of Police ng La Castellana Municipal Police Station, ang biktima na si Tessie Esparagoza, 44, residente ng Sitio Pacita, Barangay Sag-ang ng nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, natutulog lamang ang biktima katabi ng iba pa niyang mga anak at ng nanay nito ng pinagsasaksak ito hanggang sa mamatay ng anak din niyang menor de edad na babae.
Lumalabas din sa imbestigasyon na tinulungan ng kanyang kasintahan ang suspek upang maisagawa ang naturang krimen.
Agad namang naaresto ng La Castellana PNP ang suspek at ang kasintahan nito na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng kapulisan ang motibo ng pananaksak habang hinihanda ang iba pang mga hakbang para sa pagsampa ng kaso sa mga suspek.
###