Parañaque City — Arestado ang dalawang foreign nationals matapos mabigong magpakita ng mga legal na dokumento sa mga baril na nakita sa x-ray machine ng isang hotel sa Parañaque nitong Martes, May 10, 2022.
Kinilala ni Southern Police District Director Police Brigadier General Jimili Macaraeg, ang mga suspek na sina Andrew Too Teck Wee alyas “Andy Lozada y Lim”, Malaysian National, 34, residente sa Sta, Cruz, Laguna; at Zheng Yi, 29, Chinese National, residente naman ng Makati City.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang 10:53 ng gabi pumasok ang mga suspek sa entrance ng VIP Lobby ng Okada Resorts and Casino, New Seaside Drive, Barangay Tambo, Paranaque City, at inilagay ang kanilang mga bag sa tray na dumadaan sa isang x-ray machine para sa inspeksyon.
Saksi ang x-ray operator sa nakitang mga baril sa kanilang monitor sa loob ng isa sa bag ng mga suspek. Matapos dumaan sa X-Ray machine, inangkin ng suspek na si Zheng Yi ang bag na naglalaman ng baril.
Narekober sa mga suspek ang isang Taurus caliber .40 pistol model PT 24/7 Pro na may serial number SCP38509, at limang piraso ng caliber .40 na live ammunition.
Sinubukan pa umano ng mga suspek na tumakas ngunit sila ay agad na dinampot ng mga tauhan ng Okada saka dinala sa opisina ng Okada Security para sa imbestigasyon.
Agad din nila itong itinawag sa Tambo Substation 2 para isangguni ang pangyayari.
Hinanapan ang mga suspek ng dokumento ng baril ngunit bigo umano sila na magpresenta kaya sila ay inaresto at kinumpiska ang nasabing baril.
“Tayo ay sumasaludo sa ating mga force multipliers sa kanilang dedikasyon sa trabaho, ito ay patunay na hindi nag-iisa ang mga pulis sa pagpapatupad ng kaayusan lalo sa panahong ito na nasa kalagitnaan pa tayo ng bilangan para sa National and Local Elections, sa ating pulisya, binabati ko kayo sa inyong agarang aksyon sa tawag ng ating mga security officers, ako’y umaasa na magpapatuloy ang ating magandang ugnayan tungo sa tahimik na pamayanan,” ani PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos