Davao City – Matagumpay na nakaboto ang 38 former rebels ng Sitio Sandunan, Barangay Tamugan, Marilog District, Davao City sa kauna-unahang pagkakataon sa Kanacan Elementary School, General Roxas Dist., Davao City, ngayong araw, Mayo 9, 2022.
Matapos ang mahabang panahon, naging ganap na mga botante ang 38 former rebels sa pangunguna ni Bae Aida Siesa sa tulong ng Revitalized-Pulis sa Barangay ng Police Regional Office 11 na siyang nag-asikaso sa kanilang pagpaparehistro.
Hindi naging hadlang ang 16 na kilometrong layo mula sa kanilang komunidad upang bumaba sa kabundukan at gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto at piliin ang mga tamang tao bilang tanda ng kanilang katapatan sa kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno.
Nagpahayag naman ng taos pusong pasasalamat si Bae Aida Siesa sa R-PSB na nagbigay daan upang sila ay makaboto gayundin sa mga electoral board na umasiste sa kanila sa nasabing polling precinct.
Umuwi ang 38 dating rebelde dala ang pag-asa at kumpiyansa na maihahalal ang kanilang mga napiling kandidato para sa mas maayos na pamumuno sa bansa.
Patuloy ang pamunuan ng PRO11 sa pamumuno ni PBGen Benjamin Silo Jr. sa paghikayat at pagtanggap sa ating mga kapatid na naligaw ng landas at magbalik loob sa gobyerno upang magkaroon ng panibagong buhay.
📸 Pitik ni Sir Mar
###
Panulat ni PCpl Mary Metche A Moraera