Himamaylan City, Negros Occidental – Patay ang isang guro matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Himamaylan City, Negros Occidental saktong alas 8:00 ng gabi nitong Linggo, Mayo 8, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Reynante Jomocan, Chief of Police ng Himamaylan City Police Station, ang biktima na si Mercy Miguel, residente ng Sitio Calasa sa Barangay Caradioan ng nasabing lungsod.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dumaan ang biktima kasama ang kanyang asawa sa Crossing Calasa ng nasabing Barangay, at bigla na lang napahinto ang mga ito dahil sa mga nakaharang na malalaking bato sa daanan sa harap ng public plaza. Ilang minuto ang nakalipas, pinaputukan ang biktima ng hindi nakikilalang mga armado.
Tinamaan sa tiyan ang biktima na agad namang isinugod sa Governor Valeriano Memorial Hospital na kalaunan ay binawian din ng buhay.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Himamaylan PNP sa dahilan at motibo ng pamamaril at sa pagkakakilanlan ng mga suspek. Habang tinitingnan din nila ang posibilidad na maaaring election-related ang naturang insidente.
###