Nasakote ng Criminal Investigation and Detection Group ang 85 wanted individuals nito lamang nakaraang linggo.
Ayon kay Police Major General Nicolas Torre III, CIDG Director, ang naarestong mga pugante ay may mga Warrant of Arrest sa kasong murder, rape, cybercrimes, acts of lasciviousness, estafa, qualified theft, illegal recruitment at mga drug offenses.



Kabilang sa mga naaresto ang 38 indibidwal mula sa Luzon, 33 naman ang nahuli sa Mindanao habang 14 wanted persons naman ang naaresto sa Visayas.
Sa mga naaresto, anim sa kanila ang kasama sa most wanted (regional level) habang walo naman ang kabilang sa listahan ng provincial most wanted.

Sa hiwalay na operasyon, naaresto rin ng mga CIDG personnel ang apat na suspek sa Binondo, Manila bunsod naman ng ilegal na pagbebenta ng slimming coffee na nagkakahalaga ng Php300,000 nito lamang May 16. Ang naturang produkto ay hindi umano rehistrado sa Food and Drug Administration, ayon sa mga awtoridad.
Samantala, habang ibinaba na ng Pambansang Pulisya ang kanilang alert status sa katatapos lamang na eleksyon, mas tinutukan naman nito ang pagbabalik ng buong hanay sa kanilang pangunahing tungkulin, ang magpatupad ng batas at pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mamamayan sa buong bansa.