Timbog ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang pitong suspek sa pagnanakaw na bumibiktima ng mga senior citizen matapos maaktuhang nanloob sa isang 77-anyos na ginang sa loob ng isang supermarket sa Barangay Bago Bantay, Quezon City bandang 2:04 ng hapon nitong Lunes, Mayo 26, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, DDDA/ OIC ng QCPD, ang mga suspek na sina alyas “Ella”, 33 anyos; alyas “Myrna”, 51 anyos; alyas “Irie”, 40 anyos; alyas “Antonete”, 40 anyos; alyas “Rennie”, 52 anyos; alyas “Richard”, 46 anyos at alyas “Richee”, 30 anyos.
Ayon kay PCol Silvio, kasalukuyang namimili ng grocery ang biktima nang palibutan ng mga suspek at inagaw ang kanyang pitakang naglalaman ng halagang Php2,020, mga identification cards, at debit cards at agad na tinangkang tumakas ng mga suspek.
Subalit, dahil sa mabilis na pagresponde ng mga guwardiyang nagmomonitor sa CCTV footage ng establisyemento, agad na naipagbigay-alam ang insidente sa mga tauhan ng QCPD at agad na-corner ang mga suspek.
Narekober ang pitaka ng biktima at kasong pagnanakaw ang kakaharapin ng mga suspek.
Patuloy naman ang paalala ng PNP sa publiko, lalo na sa ating mga nakakatanda na maging mapagmatyag at maingat sa mga pampublikong lugar. Nangangako din ang PNP na lalong paiigtingin ang pagtugis sa mga kriminal na nang-aabuso sa mga mahihinang sektor ng lipunan.
Source: Philstar