Datu Piang, Maguindanao – Arestado ang 7 indibidwal dahil sa ‘di umano’y pananakit sa isang Board of Election Inspector Chairman at dalawang watchers sa loob ng polling precinct sa Datu Piang National High School, Brgy. Buayan, Datu Piang, Maguindanao noong Mayo 9, 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Armando Aliwan, Chief of Police ng Datu Piang Municipal Police Station, ang pitong suspek ay biglang pumasok sa polling precinct ng nasabing paaralan at pinagsasaktan ang isang Board of Election Inspector Chairman at dalawang poll watchers.
Nagtamo ng mga sugat ang mga biktima na kaagad na dinala sa Abpi-Samama Lying in Medical Hospital upang gamutin.
Dagdag pa ni PLtCol Aliwan, naaresto ang mga suspek at nasa kustodiya na ng Datu Piang MPS habang inihahanda na ang kaukulang dokumento upang sampahan ng kaukulang kaso.
Nagpatuloy naman ang pagboto sa nasabing polling precinct kung saan ang mga tauhan ng PNP ang nagsilbing Board of Election Inspectors na pinahintulutan naman ng COMELEC.
Pinuri ni Police Brigadier General Arthur Cabalona, Regional Director, Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region ang mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ng pulisya at militar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na nagtangkang sumabotahe sa pagsasagawa ng halalan sa bayan ng Datu Piang.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz