Umabot sa 60 wanted person ang matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police, sa pangangasiwa ni Police General Jose Melencio C Nartatez, PNP Chief, mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil umano sa mga kasong may kaugnayan sa pang-aabuso ng mga kababaihan maging ng mga kabataan sa unang walong araw ng National Women’s Month, simula March 1 hanggang March 8, 2026.
Pinangunahan ang naturang pag-aresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group kung saan naaresto ng mga awtoridad ang nasabing mga suspek sa bisa ng Warrant of Arrest sa mga kasong Rape, Rape by Sexual Assault, Statutory Rape, Qualified Rape of a Minor, Lascivious Conduct, Violation of the Anti-Child Abuse Law, Violation of the Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at maging ng Acts of Lasciviousness.
Kabilang umano sa mga naaresto ang 29 indibidwal mula sa Luzon, 12 naman sa Visayas habang 19 naman sa Mindanao.
Ayon kay PMGen Robert AA Morico II, Director, CIDG, na sa 60 na mga lalaking suspek, 26 sa mga ito ay itinalaga bilang Regional Level Most Wanted Person sa mga Rehiyon ng 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, 6, 7, 9, 10, 11,12 at NCR. Habang 12 naman sa mga ito ay itinalaga bilang mga Provincial Most Wanted Person sa Samar, Iloilo, Pangasinan, Albay, Sarangani, Davao de Oro, Davao Oriental, Davao del Norte, Camarines Norte, Cebu, Tarlac at Bataan. Pito naman dito ay kinilala bilang mga City/Municipal Most Wanted Person ng San Jose sa Occidental Mindoro; Antipolo, Rizal; Biñan, Laguna; Las Piñas; Zamboanga; Ilagan City, Isabela habang 13 naman ay itinalaga bilang Other Wanted Persons.
Pinuri naman ni PMGen Morico II ang dedikasyon ng lahat ng mga kasapi ng operatiba sa kanilang hindi matatawarang katapangan upang mapanagot sa batas ang lahat ng mga nasabing indibidwal at higit sa lahat mabigyan ng hustisya ang kanilang mga naging biktima, lalo na ngayong ipinagdiriwang ng bansa ang National Women’s Month Celebration.
Tiniyak naman ng CIDG na mas papaigtingin pa nila ang pagtugis sa lahat ng mga puganteng indibidwal na patuloy pa ring nagtatago sa batas mapa-hangggang ngayon upang mapanagot ang mga ito at makamit ng mga biktima ang hustisya na kanilang inaasam.



