Huli sa magkakahiwalay na operasyon ng Tuguegarao City Police Station ang anim (6) na indibidwal na nahaharap sa kasong illegal gambling o paglabag sa Presidential Decree 1602 noong Oktubre 18, 2021.
Sabay na dinakip sa Barangay Annafunan East, Tuguegarao City, Cagayan sina alyas Enteng, 65 taong gulang; at alyas Cardo, 61 taong gulang, retiradong empleyado ng gobyerno, kapwa mga residente ng nasabing lugar.
Kasunod nito, nahuli naman sina alyas Pedro, 44 taong gulang; alyas Joben, 33 taong gulang; at alyas Jenny, 29 taong gulang, pawang mga residente ng Addun Compound, Linao East, Tuguegarao City.
Naaresto din sa Barangay Annafunan East ng lungsod si alyas Jopay, 41 taong gulang, at residente ng Barangay Caritan Highway, Tuguegarao City.
Dinakip ang mga suspek sa bisa ng Mandamiento de Arresto na inisyu ni Hon. Rene Beltran-Baculi, Presiding Judge ng Municipal Trial Court, Branch 2, Tuguegarao City, Cagayan noong Oktubre 8, 2021.
Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kostudiya ng Tuguegarao City Police Station para sa dokumentasyon at tamang diposisyon.
####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche