Iloilo City – Timbog ang 6 na indibidwal sa ikinasang buy-bust operation ng Regional Drug Enforcement Unit 6 kasama ang Station Drug Enforcement Team ng Jaro PNP na nagresulta sa pagkasamsam ng halos Php400K halaga ng shabu sa Brgy. Balantang, Jaro, Iloilo City, bandang 5:22 ng hapon ika-15 ng Mayo 2023.
Ayon kay Police Captain Soliman, Team Leader ng RPDEU 6, unang naaresto ang mag-amang sina Jerodion Jinon alyas “Boss”, 43, tinuturing na Regional Top Priority Target HVI at ang anak nitong 20-anyos na lalaki, pawang residente ng Brgy. Balantang, Jaro, Iloilo City matapos silang mabilhan ng shabu sa halagang Php10,000.
Ayon pa kay PCpt Soliman, kasunod ng pag-aresto sa mag-ama ay naaktuhan din ang apat pang indibidwal sa loob ng isang drug den na gumagamit ng pinaniniwalaang shabu o nagsasagawa ng pot-session.
Kinilala ang apat na indibidwal na sina Jonathan Elisan, 47, residente ng Brgy. Aganan, Pavia, Iloilo; Jenefer Estacion, lalaki, 47, residente ng Brgy. Pueblo, Mandurriao, Iloilo City; Joselito Alde, 48, residente ng Brgy. Balantang, Jaro, Iloilo City at si Greg Emmanuel Antonio, 45, residente ng parehong lugar.
Narekober sa naturang operasyon ang kabuuang 29 pakete ng suspected shabu na tumitimbang ng 25 gramo at may Standard Drug Prize na Php394,400, drug paraphernalia at mga non-drug items.
Dagdag pa, bago pa maisagawa ang nasabing buy-bust operation ay matagal ng isinailalim sa monitoring si Jerodion Jinon.
Mahaharap ngayon ang mga nahuling suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay isang patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ay hindi tumitigil upang mahuli ang mga taong sangkot sa ilegal na droga at mas papaigtingin pa ang kampanya nito laban sa lahat ng uri ng kriminalidad para sa maayos, payapa at maunlad na komunidad.