Capiz – Kalaboso ang isang Street Level Individual drug personality matapos makuhanan ng ilegal na droga ng Capiz PNP sa Brgy. Punta Tabuc, Roxas City, Capiz, nitong ika-6 ng Nobyembre 2023.
Kinilala ni Police Major Lumyaen Lidawan, Hepe ng Capiz-PPDEU, ang subject person na si alyas “Jude”, 51-anyos na residente ng Brgy. Punta Tabuc, Roxas City, Capiz.
Naaresto ang suspek sa ikinasang drug buy-bust operation bandang alas-2:08 ng hapon ng mga operatiba ng Provincial Police Drug Enforcement Unit ng Capiz Police Provincial Office.
Nakuha sa drug suspek ang higit-kumulang 25 gramo ng pinaghihinalaang shabu, mga ginamit na buy-bust money, at ilang mga drug paraphernalia.
Nakakulong na sa himpilan ng Roxas City Police Station ang naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PMaj Lidawan, nakulong si alyas “Jude” noong 2021 sa parehong kaso, at kakalabas lamang nitong taong 2023 sa pamamagitan ng plea bargaining.
Ang tagumpay na ito ng Capiz PNP ay bunga ng pagsusumikap at dedikasyon ng kapulisan upang masawata ang mga indibidwal na patuloy sa paggamit ng ilegal na droga.