Magpapakalat ang Police Regional Office (PRO) 4B ng 5,000 pulis para matiyak na mapayapa at maayos ang mid-term elections sa rehiyon ngayong darating na ika-12 ng Mayo 2025.
Sa isang pahayag, sinabi ni PBGen Roger L Quesada, Regional Director ng PRO 4B na sila ay itatalaga sa 1,569 polling precincts sa buong rehiyon, na binubuo ng Mindoro (Oriental at Occidental), Marinduque, Romblon, at Palawan upang panatilihing malaya ang rehiyon mula sa anumang election-related incident (ERI).
Dagdag pa niya, kamakailan ay nagsagawa ng kumperensya ang mga police commander sa rehiyon upang pag-usapan ang mga hakbang sa seguridad na ipatutupad sa araw ng mismong halalan.
Bukod sa pagpapanatiling libre sa ERI ang rehiyon, aniya, bumaba rin ng 14.47 porsiyento ang mga insidente ng krimen mula 1,907 sa unang apat na buwan ng 2024 hanggang 1,631 sa parehong panahon ngayong taon. Hinimok rin ni PBGen Quesada ang publiko na maging maingat at maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon upang labanan ang fake news.
Ang pagkakaisa ng COMELEC (Commission on Elections), PNP (Philippine National Police), at iba pang opisyal na ahensya ay tanda lamang ng pagtupad sa iisang layunin na maging maayos, ligtas, at mapayapa ang darating na halalan 2025.
Source: Philippine News Agency
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadana