Arestado ang limang indibidwal matapos hainan ng Search Warrant ng mga tauhan ng Pateros Municipal Police Station nito lamang Biyernes, ika-24 ng Mayo 2024.
Pinangalanan ni PBGen Leon Victor Z Rosete, District Director ng Southern Police District, ang mga nadakip na suspek na sina alyas “Charlie,” 55, alyas “Kim,” 37; alyas “Jerome,” 31; alyas “Ryan,” 36; at alyas “Romar,” 39.
Ayon kay PBGen Rosete, inihain ng pulisya bandang 7:55 ng gabi sa Barangay Tabacalera, Pateros, Metro Manila ang Search Warrant na humatong sa pagkakaaresto ng mga nasabing suspek.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang labin-limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na shabu na tinatayang nasa 60 gramo ang timbang na may street value na Php408,000.
Bukod pa rito, nasamsam ng mga alagad ng batas ang isang kalibre 45 na pistola kasama ang apat na bala, samu’t saring drug paraphernalia, isang weighing scale, at isang black belt bag.
Nahaharap sa maraming kaso ang mga suspek, kabilang ang mga paglabag sa Sections 11, 12, 13, 14, at 15 sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ang matagumpay na pagsalakay na ito ay nagpapakita ng hindi natitinag na pangako ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas na labanan ang paglaganap ng ilegal na droga sa rehiyon at upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komunidad.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos