Timbog ng mga operatiba ng Abucay Municipal Police Station ang limang hinihinalang sangkot sa bentahan ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Paralaya, Barangay Mabatang, Abucay, Bataan nito lamang Huwebes, ika-27 ng Marso 2025.
Ang operasyon ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Abucay MPS, sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Palmer Z Tria, Provincial Director, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 3 (PDEA RO3).
Ayon kay PCol Tria, nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 18.9 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php128,520, pati na rin ang iba pang drug paraphernalia.
Kasong paglabag sa Sections 5, 11, 13, at 14, Article II ng Republic Act 9165 o ang ‘Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang kakaharapin ng mga suspek.
Binigyang-diin ng Bataan PNP ang kanilang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga at tiniyak na mas paiigtingin pa ang kanilang operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa iligal na droga upang mapanatili ang isang ligtas at mapayapang komunidad sa Bataan.