Iloilo City – Arestado ang limang drug personality matapos mahuli sa inilunsad na drug buy-bust operation ng Iloilo City PNP sa isang abandonadong bahay sa Desamparados, Jaro, Iloilo City, noong alas-7:30 ng gabi, ika-27 ng Mayo, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Joeresty Coronica, City Director ng Iloilo City Police Office, ang mga naarestong indibidwal na sina alias Pakloy (HVI-Pusher), 47, residente ng Brgy. Tabok Suba, Lapaz, Iloilo City; alyas Toto (HVI-Pusher), 25, residente ng Brgy. San Roque, Jaro, Iloilo; alyas Amay, (SLI), 37, residente ng Brgy. Arbesanches, San Miguel, Iloilo; alyas David (SLI), 25, residente ng Brgy. Tab-ang, Bayawan, Negros Occidental; alyas Junjun (SLI), 35, at residente naman ng Brgy. Tanza, Bonifacio, Iloilo City.
Ayon kay PCol Coronica, ang naturang drug buy-bust operation ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Iloilo City Drug Enforcement Unit, ICPO-SWAT at Iloilo City Police Station 3.
Ayon pa kay PCol Coronica, narekober sa limang suspek ang 8 piraso ng pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang 115 gramo at may tinatayang halaga na Php782,000.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din sa kanila ang Php20,000 na buy-bust money, isang weighing scale, 6 na aluminum foil, isang pouch na kulay blue, lighter at isang pack na empty bandle plastic.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pinaigting at walang humpay na kampanya kontra ilegal na droga ng Iloilo City PNP at sa kanilang hakbangin at tungkulin na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mamamayan sa kanilang nasasakupan.