Naniniwala si PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na malaking kabawasan sa supply ng illegal na droga na kumakalat sa kalakhang Maynila at mga karatig na lalawigan ang naganap na sagupaan sa pagitan ng mga alagad ng batas at mga Chinese drug syndicates sa lungsod Angeles, Pampanga.
Apat na Chinese national ang napatay at tinatayang 38 kilo ng shabu ang nasamsam matapos ang isang enkwentro sa pagitan ng pnagsanib na pwersa ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) sa Angeles City, Pampanga kaninang umaga.
Kinilala ni PDEG Director Police Brigadier General Remus Medina ang mga napatay na sina Erbo Ke, Cai Ya Bing, Huang Guidong, at Wuyuan Shen, pawang mga miyembro ng Basher Bangon drug syndicate.
Ayon kay Medina, ang mga napatay ay responsible sa pagpapakalat ng shabu sa kalakhang Maynila at Calabarzon.
Ayon pa kay Medina, umaabot sa Php262 milyon ang halaga ng nakumpiskang shabu kasama and ang apat na Caliber .45 na baril, at isang Iphone sa isinagawang buy-bust operations na nauwi sa engkwentro kaninang 10:10 ng umaga sa Blk 8 Lot 21 Gadiola St. Punta Verde Subd. Pulung Cacutod, Angeles City.
Pinapurihan naman ni Police Major General Rhodel Sermonia, PNP Director for Operations, ang PDEG sa matagumpay na kampanya nito kontra ilegal na droga.
Ayon kay Sermonia, ang malakasang kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga ay bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi magamit ang perang kinita sa ilegal na droga sa pamumulitika lalo pa at nahaharap ang bansa sa 2022 national at local elections.
Photo courtesy of Journal News Online
####