Polangui, Albay (December 14, 2021) – Hindi na nakapalag sa mga otoridad ang umano’y apat (4) na miyembro ng isang sindikato ng droga na nagmula sa Manila matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Kapulisan sa Barangay Kinale, Polangui, Albay nitong Disyembre 14, 2021, Martes ng madaling araw.
Dalawang (2) babae at dalawang (2) lalaki ang mga suspek na nakunan ng humigit-kumulang 275 gramo ng hinihinalang shabu na may market value na Php1.87 million.
Nakilala ang mga suspek na sina Celmel John Lapiz y Guico, 27 anyos, walang asawa, residente ng Brgy. Batong Malaki, Los Baños, Laguna; Charmaine Erlandez y Padilla, 33 anyos, walang asawa, residente ng Brgy. Timungan, Los Baños, Laguna; Ronald Mendoza y Rayos, 50 anyos, may asawa, residente ng Brgy. Alangilan, Batangas City; at Rosemarie Diana Adap y Reyes, 37 anyos, may asawa, residente ng Brgy. Santa Clara, Batangas City.
Nabisto ang apat (4) sa pagbebenta matapos pagbilhan ang poseur buyer ng isang (1) plastic na pakete na naglalaman ng 50 gramo ng hinihinalang shabu sa halagang Php100,000.
Napag-alaman na ang mga suspek umano ay miyembro ng sindikato ng droga sa Manila na umano’y sila ang nagsusupply ng droga sa CALABARZON at sa rehiyong Bicol.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Matapos ang pagmamarka at dokumentasyon ng mga ebidensya, ang mga suspek ay agad na dinala sa himpilan ng Polangui MPS para sa kaukulang booking procedure bago sila tuluyang ipiit sa kulungan.
“Mahigpit ang pagmamatyag ng ating mga Kapulisan sa ating paligid at mas pinalakas rin natin ang ating ugnayan sa PDEA para sa mas epektibong pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga indibidwal na nagsusuplay ng droga papasok ng rehiyong Bicol.” pahayag ni PBGen Jonnel Estomo, Regional Director, PRO5.
######
Source: RPIO5 at BICOL News
Article: RPCADU5
Nice Job Team PNP husay at galing salamat po