Lanao del Sur – Boluntaryong sumuko sa PNP ang apat na miyembro ng Potential Private Armed Group Pensar Group sa Brgy. Bayabao, Butig, Lanao Del Sur nito lamang ika-15 ng Marso 2023.
Naging matagumpay ang pagsuko ng apat na miyembro ng PPAG sa tulong ng Lanao del Sur Police Provincial Office katuwang ang Provincial Intelligence Unit, Butig Municipal Police Station, 1403rd Regional Mobile Force Company, RMFB 14, at 1st PMFC-Lanao del Sur PPO.
Kasabay ng kanilang pagsuko ang matataas na kalibre ng baril tulad ng isang caliber .50 Barret sniper na may scope at dalawang bala; isang Colt caliber 5.56 rifle; isang caliber .45 pistol na walang serial number, na nasa kustodiya na ngayon ng Provincial Logistics and Research Development Branch, Lanao Del Sur PPO para sa safekeeping bago i-turn-over sa Provincial Forensic Unit ng Lanao del Sur.
Ang Pensar Group ay nasasangkot sa away ng pamilya sa Lanao Del Sur at naitala bilang Potential Private Armed Group.
Samantala, nananawagan naman si Police Brigadier General John Guyguyon, Regional Director, sa iba pang miyembro at pinuno ng Private Armed Groups sa Bangsamoro Autonomous Region na ibigay ang kanilang mga armas sa gobyerno at magbalik-loob upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Makatitiyak na tutulungan sila ng gobyerno sa pagsisimula ng bagong buhay. Dagdag pa, pinuri niya ang mga operatiba para sa kanilang pagsisikap na mapadali ang mapayapang pagsuko ng Potential Private Armed Groups sa rehiyon ng Bangsamoro.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz