Naaresto ng mga operatiba ng Makati City Police Station ang isang High Value Individual (HVI) at tatlong kasamahan nito sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Tejeros, Makati City bandang 6:25 ng gabi, nito lamang Huwebes, Abril 10, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Jean I. Dela Torre, Hepe ng Makati CPS, ang pangunahing target na si alyas “Lyn,” 43 taong gulang, walang trabaho, at kabilang sa listahan ng mga High Value Individual.
Kasama niyang naaresto sina alyas “Toto,” 34 taong gulang, walang trabaho; alyas “Andres,” 53 taong gulang, walang trabaho; at alyas “Prince,” 26 taong gulang, isang waiter.
Ayon kay PCol Dela Torre, nakumpiska ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php80,000 ang nabiling ebidensya mula kay alyas “Lyn” sa pamamagitan ng controlled delivery.
Bukod dito, narekober mula sa kanyang pag-iingat ang karagdagang sampung heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu, Php1,000 buy-bust money, Php79,000 boodle money, at isang itim na coin purse.
Tinatayang nasa 55 gramo ang kabuuang bigat ng nakumpiskang shabu na may Standard Drug Price na Php374,000.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Hinihikayat ng Makati PNP na makipagtulungan ang publiko sa pulisya na isuplong sa mga awtoridad ang mga ilegal na aktibidad sa kanilang komunidad upang makamit ang mas ligtas at drug free na bansa.
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos