General Santos City – Arestado ang apat na High Value Target, at isang menor-de-edad ang na-rescue sa isinagawang operasyon ng PNP at PDEA sa Purok 5, Brgy. Bula, General Santos City nito lamang Mayo 24, 2022.
Kinilala ni PCol Paul Bometivo, Acting City Director, General Santos City Police Office ang mga naarestong suspek na sina Ronie Perez y Maramara, 36, walang trabaho; Jimmar Jover y Abellanosa, 27, isang driver ng fishcar; Nacmah Noor y Lago, 34; at si Jose Napoleon Banquicio y Sumbilla, 39 at ang may-ari ng den na pawang mga residente ng General Santos City.
Isinagawa ang nasabing operasyon bandang 10:05 ng gabi na pinangunahan ng PDEA Sarangani katuwang ang kapulisan ng General Santos City Police Office – City Drug Enforcement Unit upang madakip ang nasabing mga suspek.
Ayon pa kay PDEA ROXII Director Naravy Duquiatan, sina Banquicio at Perez ay parehong plea bargainers at nakalabas mula sa kulungan noong 2019 at 2022, ayon sa ulat, bumalik sila sa kanilang negosyong ilegal na droga at ang tirahan ni Banquicio bilang lugar ng kanilang operasyon.
Nakumpiska sa operasyon ang anim na sachet ng shabu na humigit-kumulang 18.46 gramo na may tinatayang presyo na Php125,528, plastic cellophane at nakatuping bond paper na may hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na humigit-kumulang 12 gramo na may tinatayang presyo na Php1,440, at samu’t saring drug paraphernalia kabilang ang ginamit na buy-bust money.
Kasong paglabag sa Section 5, 6, 7, 11 at 12, Article II ng RA 9165 ang isasampa laban sa mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa PDEA ROXII Custodial Facility.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal