Iloilo City – Arestado ang apat na kalalakihang drug suspek sa inilunsad na anti-illegal drug operation ng Iloilo City PNP sa Zone 6, Barangay Boulevard, Molo, pasado alas-10:00 ng gabi, noong Oktubre 16, 2023.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Antonio Benitez Jr., Hepe ng Iloilo City Drug Enforcement Unit, ang mga nahuling suspek ay dalawang High Value Individual at dalawang Street Level Individual na residente ng nasabing lugar.
Nahuli ang mga drug suspek sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Iloilo City Drug Enforcement Unit kasama ang Iloilo City Police Station 4.
Ayon pa kay PLtCol Benitez, main subject ng nasabing buy-bust operation ay si alyas “Nonoy”, 29-anyos, kung saan nabilhan ito ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng halagang Php12,000.
Narekober din sa mga drug suspek ang 13 na plastic sachet na naglalaman din pinaniniwalaang shabu at aabot naman sa halagang Php440,000 ang halaga ng lahat ng nakumpiskang droga.
Nahaharap ngayon ang apat na nadakip sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng Iloilo City PNP sa pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga, upang mapanatili ang katahimikan at kaligtasan ng komunidad sa kanilang nasasakupan.