Quezon City – Ipinagdiwang ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ang kanilang ika- 33rd PNP Foundation Day kasabay ng Traditional Monday Flag Raising Ceremony na may temang “Serbisyong Nagkakaisa at may Malasakit sa Kapwa, Tungo sa Maunlad at Ligtas na Bansa” na ginanap sa PNP National Headquarters, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City noong ika-29 ng Enero 2024.
Naging panauhing pandangal sa pagdiriwang si Ret. Chief Justice Lucas P. Bersamin, ang Executive Secretary ng Pilipinas at si Atty. Benjamin C. Abalos Jr., Secretary ng Department of Interior and Local Government.

Tampok din sa aktibidad ang isang payak na Wreath-laying Ceremony sa Bantayog ng mga Bayaning Tagapamayapa bilang pagpupugay sa mga pulis na nag-alay ng kanilang buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin

Ang PNP, na itinatag noong Enero 29, 1991, ay bunga ng pinagsanib na Philippine Constabulary at ng Philippine Constabulary/Integrated National Police, ayon sa Republic Act No. 6975 o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990. Ito ay mas pinagtibay ng Republic Act No. 8551, o mas kilala bilang PNP Reform and Reorganization Act of 1998 na naglalayong mapabuti ang sistema at administrasyon ng PNP. Ang pagpapalawig ng pwersa nito, na may layuning maging “National in Scope and Civilian in Character,” ay naglalayong mas mapabilis ang serbisyong publiko sa tulong ng iba’t ibang makabuluhang programa.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PGen Benjamin C Acorda Jr., Hepe ng Pambansang Pulisya, ang makasaysayang kahalagahan ng okasyon at pagkilala sa di-mabilang na sakripisyo ng dedikadong uniformed at non-uniformed personnel.
Ayon kay PGen Acorda, “Ngayon, habang tayo ay narito sa krusyal na bahagi ng kasaysayan at progreso, tayo ay nagkakaisa sa layunin at pinatatag ng isang magkatuwang na mithiin.” Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng temang nagiging gabay para sa “Bagong Pilipinas” na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Binanggit niya ang transpormatibong paglalakbay ng PNP, na nakatutok sa pagsugpo ng katiwalian at pagsusulong ng internal na mga sistema at tamang disiplina bilang pundasyon para sa pagsasaayos sa buong hanay ng kapulisan.

“Sana, ang araw na ito ay hindi lamang isang simbolikong petsa sa kalendaryo, kundi isang buhay na patunay ng ating “Serbisyong Nagkakaisa.” Nagkakaisa para sa Bagong Pilipinas, para sa Bagong PNP.”

Nagbigay din ng pagsaludo si PGen Acorda sa mga yumaong bayani, “Ngayon, iginigiit natin ang pagpupugay hindi lamang sa mga yumao nating bayaning pulis; ating iniuukit ang katatagan, dedikasyon, at di-matitinag na pagsunod sa ating marangal na tungkulin,” saad niya.
Samantalang si Executive Secretary Lucas P. Bersamin ay nagbigay-pugay sa PNP sa kanilang ika-33 na Taon ng Pagtatatag, kinikilala ang kakayahan ng organisasyon na malampasan ang mga hamon.

“Nais kong magbigay ng taos-pusong pagbati sa buong Philippine National Police sa inyong ika-33 na Anibersaryo. Dapat kong banggitin na ang Pambansang Pulisya ay dumaan sa maraming matitinding hamon at pagsubok, ngunit ang hanay ng PNP, maging ang uniformed at non-uniformed personnel, ay nagbigay-daan sa organisasyon na malampasan ang mga hamon dahil sa kanilang propesyonalismo at hindi nagbabagong pangako sa tungkulin. Sa gayon, ang pagdiriwang ng inyong ika-33 na taon ng pagtatag ay tama at nararapat lamang,” wika ni Executive Secretary Bersamin.
Binigyang-pansin din ni Executive Secretary Bersamin ang pamumuno ni PGen Acorda, pinuri niya ang implementasyon ng inobatibong 5-Focused Agenda at ang malaking progreso sa anti-kriminalidad, internal cleansing, transformational leadership, institutional capability development, at community engagement.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, iginawad ang mga parangal sa mga natatanging kawani ng PNP, na sumisimbolo ng dedikasyon at commitment ng buong organisasyon sa pagtataguyod ng isang mas ligtas at maunlad na Pilipinas. Puri ni Executive Secretary Bersamin sa mga awardees, “Sa ngalan ng Pangulo, ipinaabot ko ang aming malalim na pasasalamat at tapat na pagkilala sa inyong personal at propesyonal na mga tagumpay bilang mga miyembro ng PNP. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang inyong ehemplaryong mga gawain sa iba sa hanay ng PNP.”

Hinimok niya ang bawat miyembro ng PNP na magsuot ng kanilang mga badge nang may pagmamalaki at gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may buong katapatan at dedikasyon.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, tinitingnan ng PNP ang hinaharap nang may mas mataas na dedikasyon at commitment sa kanilang misyon na maglingkod at patuloy na magsilbing kakampi ng bawat mamamayang Pilipino, na gabay ang mga prinsipyo ng pagkakaisa, progreso, at pagtataguyod sa isang ligtas at maunlad na bansa.