Ang Police Community Affairs and Development Group ay ang tanging yunit o opisina ng PNP na may mandatong maghatid ng serbisyong pulisya at magpanatili ng magandang ugnayan sa pagitan ng Pambansang Pulisya at ng komunidad na may layuning magkaroon ng kumpiyansa at tiwala sa puso’t isip ng sambayanang Pilipino sa kapulisan at sa pamahalaan.
Una itong nakilala bilang Civil Relations and Information Group na nasa ilalim ng dating Philippine Constabulary-Integrated National Police. Sa pagsilang ng Philippine National Police noong taong 1991, nagbigay-daan upang ito ay tawagin ng Civil Relations Center. Di naglaon, naging Police Relations Center ito, at makalipas ang ilang taon, tinawag naman itong Police Community Relations Group.

Mula 2002, ang Police Community Relations (PCR) Master Plan ay gumawa ng dalawang pangmatagalang estratehiya ng community policing – ang SANTINIG, na nagbigay ng mga patakaran at alituntunin na may kaugnayan sa istratehiya ng impormasyon at komunikasyon; at ang SAMBAYAN, na nakatuon sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng komunidad. Ang Santining at Sambayan ay binuo para sa isang mas mabuting relasyon ng pulisya-komunidad, at pinadaling pakikipagtulungan kaugnay sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan ng publiko.
Noong 2019, itinatag ito sa bagong pangalan na Police Community Affairs and Development Group sa bisa na mas pinagtibay at pinalawig na General Orders DPL 18-01.

Bunsod ng mabilis na pagbabago sa lipunan at pag-usbong ng digital social media, ang policing system ay mas pinalawak at binigyang-daan sa mundo ng teknolohiya. Isinilang nito ang bagong community policing mula sa PCR’s two-prolonged strategy: ang SANTINIG at SAMBAYAN, tungo sa isang mas lohikal, at revolutionized na istratehiya. Ito ay ginagabayan ng tatlong-dimensional na kasangkapan – Information Development Operation (IDO); Public Information (PI); at Community Affairs and Development (CAD). Ang bagong mukha ng PCR ay ginawang Police Community Affairs and Development (PCAD) Master Plan “Tagataguyod” sa bisa ng PNP Memorandum Circular Number 2019-046.

Bilang maaasahang pundasyon nito, ang bawat Dibisyon na bumubuo sa Police Community Affairs and Development Group ay may mga layuning maisakatuparan na nakaangkla sa bawat dimension ng “Tagataguyod”. Iba’t ibang plataporma o angkop na mga midyum ang ginagamit ng Grupong ito, sa pakikipagtulungan ng Regional Police Community Affairs and Development Units (RPCADUs), upang palakasin ang mga wasto at napapanahong mga salaysay ng PNP kabilang ang telebisyon, radyo, internet, pagmemensahe, at print. Ang pagpapakalat ng impormasyon ay naglalayong hindi lamang ipaalam ngunit may layuning hikayatin ang komunidad na lumahok sa information chain na nag-aalis ng takot at bawasan ang paglaganap ng krimen.
Sa pinasimulang “Battle for Public Perception”, ang Police Community Affairs and Development Group ay makabuluhang nagsasagawa ng mga proactive measures sa mga inaasahan o emerging issues sa pamamagitan ng pagpapalakas ng social media engagements bilang suporta sa mga estratehikong komunikasyon ng pamahalaan. Sa isang kumpas, ang mga tauhan, bilang mga social media warriors, ay sinanay upang tugunan ang mga kumakalat na mga isyu at fake news na nagdudulot ng hindi pagkakaunawaan, takot at kaguluhan sa isipan ng mga Pilipino maging ang masamang epekto nito sa pambansang estado ng pampublikong kaayusan na nagaganap sa online at offline.

Sa tema ngayong taong anibersaryo: “Ugnayang Pulisya at Sambayanan, Hatid ay Ligtas at Maunlad na Lipunan para sa Bagong Pilipinas”, binibigyang-diin nito ang pangangailangang palakasin ang aktibong pakikipagtulungan sa pagitan ng puwersa ng pulisya at komunidad upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa.
Tinaguriang puso at kaluluwa ng pulisya, ang Police Community Affairs and Development Group ay hindi magkikibit-balikat sa usaping kapayapaan at kaayusan sa lipunan, maging ang pagkakaisa ng bawat miyembro ng pamayanan tungo sa Bagong Pilipinas na itinataguyod ang Rule of Law at may paggalang sa mga karapatang pantao.
Dahil dito sa “Bagong Pilipinas, Ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!”