Arestado ang tatlong tinaguriang wanted person ng Central Visayas sa magkakahiwalay na operasyon na ikinasa ng mga miyembro ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa iba’t ibang lugar sa Central Visayas noong ika-8 ng Oktubre 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ferdinand Raymundo, Chief, Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) 7, ang mga naaresto na kinilalang sina Edgar Sabang Toledo, Bryan Coto Tagud alyas “Tibo” at Dianne Rose Ygoña Eparwa.
Ayon kay PCol Raymundo, naaresto ang mga nasabing suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng mga presiding court judge na humawak ng kaso ng mga ito sa nasabing rehiyon.
Si Edgar Sabang Toledo, 54, ay inaresto sa kasong paglabag sa RA 10175 (Violation of Cybercrime Prevention Act of 2012) sa Danao City, Cebu. Si Bryan Coto Tagud alyas “Tibo”, 27, ay nahuli sa Valencia, Bohol sa kasong Identity Theft (Sec 3 at 4B ng RA 10175) at RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009) in relation to Section 6 ng RA 10175. Samantalang si Dianne Rose Ygoña Eparwa, 21, na may kasong 2 Counts of Violation of Section 4(C)(2) ng RA 9775 (Anti-Child Pornography Act of 2009) ay naaresto naman sa Alegaria, Cebu.
Siniguro naman ni Police Colonel Reymundo na patuloy na palalakasin at pagtitibayin ng RACU 7 ang maayos na ugnayan at pakikipagtulungan nito sa mga lokal na PNP Unit, LGU, at sa komunidad upang arestuhin at panagutin ang bawat wanted person sa rehiyon mula sa kanilang mga naging pagkakasala.
“As the PNP maintains its Peace and Security Framework “MKK=K” (Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan tungo sa Kaunlaran), malinaw na itinataguyod namin ang kapayapaan ngunit kung lalabag ka sa batas, sisiguraduhin naming haharapin mo ang kahihinatnan ng iyong mga aksyon,” saad naman ni Police Brigadier General Joel B Doria, Director, ACG.