Naaresto na ng PNP ang tatlong suspek na sangkot sa pag-kidnap at pagpatay sa Filipino-Chinese na negosyanteng si Anson Que (kilala rin bilang Anson Tan) at ng kanyang driver na si Armanie Pabillo noong Abril 18, 2025 at kasalukuyang nasa kustodiya na ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).
Ang mga suspek ay nahaharap sa dalawang kasong kidnapping for ransom with homicide, matapos ang inquest proceedings na isinagawa ng Department of Justice.
Ayon sa mga awtoridad, ang isa sa mga suspek ay boluntaryong sumuko at inamin ang kanyang partisipasyon sa krimen.
Ayon sa imbestigasyon, dinala ang mga biktima sa isang bahay sa Barangay Langka, Meycauayan, Bulacan, kung saan sila pinatay.
Huling nakita sina Que at Pabillo noong Marso 29, 2025, matapos magtanghalian sa opisina ni Que sa Valenzuela City. Kinabukasan, nakatanggap ng ransom demand ang pamilya ni Que na umaabot sa $20 million sa pamamagitan ng WeChat, kaya’t agad nilang ini-report ang insidente sa PNP-AKG.
Sa kabila ng mga negosasyon, natagpuan ang mga labi ng mga biktima noong Abril 9, 2025 sa isang kalsada sa Rodriguez, Rizal, at nakumpirma sa forensic test ang kanilang pagkakakilanlan.
Inatasan agad ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, ang pagbuo ng isang Special Investigation Task Group (SITG) na pinamumunuan ni PLtGen Edgar Alan Okubo.
Nakipagtulungan ang SITG sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), Anti-Cybercrime Group (ACG), at Police Regional Offices 3 at 4A, pati na rin sa iba pang support units.
Natuklasan ng mga imbestigador na ang krimen ay planado na simula pa noong Enero ng taon na ito. Sa pamamagitan ng surveillance footage, cyber monitoring, at intelligence operations, natunton ng mga awtoridad ang dalawa sa mga suspek sa Palawan, kung saan sila ay inaresto noong madaling araw ng Abril 18. Ang pangatlong suspek naman ay boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa parehong araw.
Isa pang mahalagang ebidensya ang CCTV footage at ang pagkakarekober ng inabandona na Lexus van sa Quezon City. Nakuhanan ng video ang isa sa mga suspek na bumibili ng wet wipes at plastic bag sa isang convenience store—mga gamit na pinaniniwalaang ginamit upang alisin ang forensic evidence.
Noong Abril 16, nagsagawa ng search warrant sa bahay sa Meycauayan, kung saan nakakita ng mga ebidensya, kabilang ang DNA na tumugma kay Pabillo. Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na dito nangyari ang pagpatay sa mga biktima.
Kinumpirma rin ng PNP na may dalawa pang Chinese nationals na itinuturing na mga “principals” sa kaso na nananatiling at-large. Ayon sa mga ulat, sila ay naroroon nang ikinulong ang mga biktima.
Pinuri ni PNP Chief Marbil ang mabilis at mahusay na koordinasyon ng mga unit na kasangkot, anya, “Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa ating Special Investigation Task Group, na pinangunahan ni PLtGen Okubo, sa kanilang kahanga-hangang pamumuno at koordinasyon. Binabati ko rin ang CIDG, AKG, ACG, HPG, at Police Regional Offices 3 at 4A. Ang inyong dedikasyon, sipag, at walang sawang imbestigasyon ay naging daan sa tagumpay na ito. Ang kasong ito ay patunay ng propesyonalismo at pagkakaisa ng PNP sa paglutas ng mga kumplikadong krimen.”
Tiniyak ng PNP sa publiko na patuloy nilang ginagawa ang lahat ng paraan upang matunton at mahuli ang mga natitirang suspek at makamtan ang katarungan para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Source: PNP FB Page