Naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang tatlong suspek na sangkot sa mga serye ng nakawan sa mga convience store sa Quezon City nito lamang Biyernes, Agosto 16, 2024.
Kinilala ni Police Major General Jose Melencio C Nartatez Jr, Regional Director ng National Capital Region Police Office, ang tatlong suspek na sina alyas “Gary”, 43 anyos;; alyas “Norman”, 28 anyos; at alyas “Joshua”, 26 anyos, pawang mga miyembro ng notoryus na Niepes Robbery Group.
Ayon kay PMGen Nartatez Jr, nakatanggap ang Quezon City Police District ng impormasyon tungkol sa mga suspek na lulan ng isang Toyota Fortuner na may plate number na AHJ-471.
Mabilis na namataan ang sasakyan sa paligid ng isang convenience store sa Quezon City kaya kaagad nagsagawa ng checkpoint ang pulisya na humatong sa pagkakadakip ng mga suspek.
Narekober ng mga awtoridad ang tatlong maiikling baril, samu’t saring mga bala ng iba’t ibang kalibre, tatlong 40mm grenade, uniporme sa convenience store, construction tools kabilang ang martilyo, ilang piraso ng improvised plate number, at iba pang personal na gamit.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at RA 9516.
“Ang mabilis na pagkilos ng ating mga operatiba ay napigilan ang maaaring isa pang krimen, at pinupuri ko ang bawat opisyal na sangkot sa operasyong ito. Makatitiyak na patuloy tayong kikilos nang mabilis upang maprotektahan ang ating mga mamamayan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon”, pahayag ni PMGen Nartatez Jr.
Source: PIO NCRPO