Makati City – Timbog ang tatlong miyembro ng kilalang Krisostomo Criminal Group na sinasabing responsable umano sa bentahan ng mga kontrabandong baril sa Makati City nito lamang Sabado, Hulyo 16, 2022.
Kinilala ni Southern Police District Director, PBGen Jimili Macaraeg, ang mga suspek na sina Joseph Palarca y Caranto, 37, driver/bodyguard, residente sa Makati City; Jethro dela Fuente y Osorio, 32, driver/bodyguard, taga Quezon City; at Emmanuel San Jose y Katipunan, 32, Executive Assistance, residente naman ng Pasig City.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang 10:30 ng umaga naaresto ang mga suspek sa A Venue Parking, B. Valdez corner Salamanca, Makati City ng pinagsanib na pwersa ng CIDG SPD, DMFB Intel Section, at Poblacion Sub-Station ng Makati CPS.
Ayon pa kay PBGen Macaraeg, naaresto ang tatlo sa ginawang buy-bust operation ng Makati City Police Station ngunit imbes na ilegal na droga ang mahuli sa kanila, kontrabandong mga baril ang kanilang nakulimbat.
Nakumpiska mula sa kanila ang isang M16-AI caliber 5.56mm rifle na may Serial No. 4899784, isang Bush Master Caliber 223-5.56mm rifle, tatlong magazine para sa M16- AI Caliber 5.56 rifle, 20 rounds live 5.56mm ammunition, tatlong magazine para sa Bushmaster Caliber 223-5.56mm rifle, 25 rounds live 5.56mm ammunition, isang Glock 22 Gen 4 caliber .40 Pistol, isang Magazine para sa Glock 22 Gen 4, 10 rounds live caliber .40mm ammunition, isang Php1,000 kasama ang bundle na boodle money, tatlong sling bag at mga ID ng mga suspek.
Mahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
“I would like to commend our personnel for the job well done in arresting the members of Krisostomo Criminal Group, ito ang resulta ng ating pinaigting na intelligence gathering measure dito sa Southern Metro, ito ay dapat din na magsilbing babala sa iba upang itigil na ang kanilang ilegal na gawain sa lugar natin kung ayaw nilang mahuli at makulong,” pahayag ni PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos