Tatlong (3) menor de edad na pawang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nailigtas sa engkwentro sa San Fernando, Bukidnon kamakailan.
Nakasagupa ng pwersa ng pulisya at militar ang Platoon 1, Guerilla Front Malayag, Sub Regional Committee 2 (SRC2) sa Barangay Mabuhay kung saan na-rescue ang tatlong (3) menor de edad.
Bukod dito, nahuli rin ang pitong (7) Indigenous People at dalawa (2) naman ang naitalang nasugatan.
Kinilala ang tatlong (3) kabataan na sina alyas “Jef”, 11 taong gulang; alyas “Taburok”, 17 anyos; at si alyas “Daniel”.
Isiniwalat ni alyas “Taburok” na kamag-anak sila ng mga teroristang grupo. Aniya, pamangkin siya ni alyas “Daligas” na napatay sa engkwentro noong 2020.
“Inimbitahan ako ni tito upang bumisita ngunit hindi na ako pinauwi at sumailalim kami sa pagsasanay hanggang naging isang ganap na miyembro ng NPA sa loob ng dalawang (2) taon,” dagdag pa ni alyas “Taburok”.
Samantala, umabot na sa 62 ang bilang ng mga sumuko at nailigtas na mga “child warriors” o batang bagani sa rehiyon ng Northern Mindanao at CARAGA.
Nasa maayos na kalagayan na ang mga nailigtas na kabataan habang kasalukuyang ginagamot ang isang sugatan.