Arestado ang tatlong lalaki sa ikinasang Anti-Illegal Fishing Operation sa Barangay Sikub, Mapun, Tawi-Tawi nito lamang ika-10 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni Police Captain Jayzel S Abdulahab, Officer-In-Charge ng Mapun Municipal Police Station, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jear”, 28 anyos”; alyas “Jesar”, 31 anyos”; at alyas “Wahi”, 61 anyos na pawang residente ng naturang lugar.
Ayon kay PCpt Abdulahab, isang concerned citizen ang nagtungo sa nasabing istasyon upang ipaalam ang ilegal na sea turtle poaching sa naturang lugar na agad namang tinungo ng mga tauhan ng Mapun MPS katuwang ang Philippine Coast Guard, PNP Maritime, District 1 ng Ministry of Environment, Natural Resources and Energy – Tawi-Tawi at ikinasa ang anti-illegal fishing operation alinsunod sa Republic Act 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”.
Narekober mula sa nasabing lugar ang 12 sako ng butchered sea turtles o pawikan na tinatayang may bigat na 309 kilo.
Kakaharapin ng mga naarestong suspek ang kasong paglabag sa Republic Act 9147.
Patuloy naman ang PNP katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng operasyon upang mapangalagaan ang yamang dagat para sa maayos na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya