Naaresto ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District (SPD) ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang mamamahayag sa tabloid dahil sa ilegal na bentahan ng mga armas at mga bala sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City nito lamang Lunes, Mayo 26, 2025.
Kinilala ni Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang mga suspek bilang isang lalaking tabloid reporter, isang kamag-anak ng dating tumakbong konsehal sa Makati, at isang building maintenance worker.
Ang operasyon ay resulta ng isang buwang cyber patrolling ng mga tauhan ng SPD, kung saan natukoy ang online na pagbebenta ng mga baril ng mga suspek.



Narekober mula sa mga naarestong suspek ang tatlong automatic 5.56 Armalite rifles; isang cal. .45 na baril; at mga bala na tinatayang nagkakakahalaga ng mahigit Php500,000.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”, kaugnay sa paglabag sa umiiral na election gun ban.
“Ibinibenta po nila ito online. Ito po ay naging produkto ng cyber patrolling natin. Nakipag-transact tayo sa kanila sa loob ng isang buwan hanggang sa pumayag silang makipagkita,” ani RD Aberin.